Walang Iwanan para kay Tyang Amy
Isa si Tyang Amy Perez na may magandang track record pagdating sa hosting sa telebisyon. (ako record lang sa log book ng guard meron!) Kaya naman isa sya sa paborito kong nakakatrabaho. May ilang taon din kaming nagkasama noon sa TV5. (tinginan lang kami, alam na namin ang ia-adlib!)
Pero certified Kapamilya si Tyang. Isa sya sa mga loyal talents ng ABS CBN kahit pa nawalan ito ng prangkisa. Aminado siyang may mga offer para lumipat sya ng network pero mas pinili nyang manatili. Isa ‘yan sa kanyang mga rebelasyon nang bumisita sya sa Maddox Jewelry ni Celebrity Alahera at Content Creator Charo Cordial para tumingin ng natural diamond pieces. (ay may pa diamond ang tyang ko!)
“Kahit na gano’n kalaki pa ‘yung offer, okay na ako dito sa ABS,” paglalahad ni Tyang Amy. (ay alam ko ‘yung isang offer! buti na lang or else!!)
Malaki raw ang utang na loob niya sa network, lalo na sa naging trato sa kanila noong kasagsagan ng pandemic.
“Kahit nung pandemic, tatlong buwan hindi kami nagtatrabaho, pinapasweldo kami ng ABS noon,” pagkukuwento ni Tyang.
Dagdag pa niya, “My whole TV career, I think I would say na nagsimula talaga siya sa ABS-CBN.” (watch pa nga kita noon sa Palibhasa Lalaki!)
Humingi pa raw siya ng sign kay Lord kung dapat ba niyang tanggapin ang ibang offer.
At ang sagot na naramdaman niya?
“No, Amy, huwag kang lumipat.”
“So hindi ako lumipat. And I stayed with ABS up to now,” pag-alala ni Tyang. (ay sumagot ang langit’)
Napag-usapan din ang samahan nila sa “It’s Showtime,” kung saan itinuring niyang parang magkakapatid ang hosts kahit iba-iba ang kanilang personalities. (basta ikaw ang tyang ko!)
Sa sampung taon niya sa programa, nasaksihan na raw nila ang strengths at weaknesses ng isa’t isa—pati ang kanyang pagiging masungit noong dumaraan siya sa perimenopause. (di naman halata!)
“Na-witness nilang lahat talaga ‘yung kasungitan ko,” pag amin ni Tyang. (ako nga attitude!)
Sa halos apat na dekada sa industriya, marami nang pinagdaanan si Tyang Amy pero pagdating sa network na naging malaking bahagi ng kanyang career, pinili niyang manatili kahit may ibang oportunidad na kumatok. (katukin kita minsan tapos work tayo ulit! I love you Tyang!)
Youtube/FB: WTFu. Twitter/IG/Tiktok: @mrfu_mayganon. FB: mr.fu tagabulabog ng buong universe. Patreon: www.patreon.com/wtfuwebsite: www.channelfu.com
- Latest






















