Alexa, bibida!

Mas pina-level-up ang kilig, sindak, gigil, at saya sa iWant matapos nitong opisyal na ilunsad ang pakikipagsanib-puwersa sa Cinema One sa ginanap na Philippine Tech Show 2026 kasama sina What Lies Beneath stars Sue Ramirez, Jake Cuenca at JM de Guzman.
Ibinida sa event ang lumalaking koleksyon ng pelikula at series ng iWant sa pagpasok ng Cinema One, na magdadala ng mas pinalawak na movie library, mula sa blockbuster at iconic titles hanggang sa mga lokal at international films, habang pinapalawak din ang abot nito sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Creative Programs, Inc. (CPI) upang maging available sa cable operators sa buong bansa.
Naghatid ng nag-uumapaw na good vibes sina Sue, Jake, at JM matapos makipagkamustahan sa daan-daang dumalo sa event, kabilang ang cable operators, telecommunications companies, content providers, technology partners, at iba pang bisita sa Home of Filipino Feels booth ng naturang streaming platform.
Sunud-sunod din ang pasabog ng iWant sa ilang patikim nito sa mga dapat abangan sa streaming platform sa pangunguna ng vertical drama na The Chambermaid’s Daughter, na pinagbibidahan nina Alexa Ilacad at BGYO Gelo.
Bibida rin si Alexa sa panibagong original series ngayong taon na Miss Behave, kasama sina Xyriel Manabat, Reign Parani, Andi Abaya at Rans Rifol.
Tampok din sa coming-of-age dark comedy sina Jeremiah Lisbo, Zach Castañeda, Zach Guerrero, JC Alcantara, Raven Rigor at LA Santos, sa direksyon ni Ivan Andrew Payawal.
Hindi rin pahuhuli ang international series na Nurse the Dead, tampok ang kwento ng Pinoy nurses abroad na kinunan sa Hollywood at likha ni Mark Labella. Pinagbibidahan ito nina Jelynn Sophia Malone at Anthony Jennings, kasama sina Gigette Reyes, Princess Punzalan, Ruby Rodriguez at Tootsie Guevarra.
Patuloy ring napapanood sa iWant ang collaboration ng GMA Network at ABS-CBN na The Secrets of Hotel 88 na mapapanood pitong araw bago ang TV broadcast nito.
Ayon kay iWant head Jolly Estaris, patuloy na pinalalawak ng streaming platform ang mga palabas nito sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang content creators at producers, na bida ang mga kwentong kukurot sa puso ng mga Pilipino.
Ang Philippine Tech Show ay isang taunang event na inorganisa ng Philippine Cable and Telecommunications Association, na dinaluhan ng mga kumpanya mula sa cable, telecommunications, media, at technology sectors upang ipakita ang pinakabagong inobasyon sa industriya at makipagtulungan sa iba pang kumpanya.
Celeb winner sa YFSF, may huling tsansa pa
Mangyayari na ang pinakahihintay na Your Face Sounds Familiar: The Grand Showdown sa Abril 5 (Linggo) kung saan isang natatanging celebrity performer ang tatanghaling pinakabagong grand winner.
Huling tsansa na nga ito ng pitong finalists na sina Akira Morishita, Alexa Ilacad, Dia Mate, Jarlo Base, Jason Dy, JM Dela Cerna and Marielle Montellano at Rufa Mae Quinto ipakita ang kanilang mga itinatago pang alas sa kanilang final transformation.
Mula nang magsimula ang season, labis na pinag-uusapan online ang programa kung saan pinuri ng netizens ang kahusayan ng celebrity performers sa kanilang transformations at ang pagpupursige nilang bigyang-buhay ang iconic music legends.
Sa kanilang huling showdown, asahan ang isang kapana-panabik na pagtatapos na puno ng world-class performances at hindi malilimutang impersonations.
- Latest























