Ethel, ‘di naging matrona sa jowang chef!

Noong nagsisimula pa lamang sa show business ay nakilala si Ethel Booba bilang isang ‘pasaway.’
Aminado naman ang komedyana na talagang nagkaroon siya ng bisyo na nakaapekto sa kanyang trabaho mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas. “Kasi parang na-culture shock ako before sa showbiz. Meron nang clubbing, tapos high-end ‘yung mga club before. Tapos may mga models, magpapa-picture sa akin. Wow! Tapos may mga nakaimpluwensya sa akin, mga bad influence na friends. Hanggang sa napariwara ka na. Wala ka nang tigil sa kakainom. Puro party ka na, gano’n, kaya naging pasaway siguro,” pagbabalik-tanaw ni Ethel sa amin sa Fast Talk with Boy Abunda.
Ayon sa aktres at malaking bahagi ng mga suliraning pinagdaanan noon ay ang kanyang buhay pag-ibig. Si Ethel din ang nagtaguyod sa kanyang pamilya bilang isang artista. “Tapos naloko pa ako dati (ng nobyo). Kaya medyo nakaka-trauma. Buti nga ‘yung mga past relationship ko, more of ako ‘yung nag-aalaga. Tapos matagal akong walang tatay. Ako na nag-alaga ng mga kapatid ko. Ako na ‘yung naging tatay at nanay ng family ko,” dagdag niya.
Ngayon ay mahigit anim na taong gulang na ang anak nina Ethel at Jessie Salazar na si Michaela. Mayroong mensahe ang aktres tungkol sa pag-ibig para sa nag-iisang supling kapag nagdalaga na ito. “Hinay-hinay lang talaga. Kaso hindi natin talaga makokontrol ang mga bata ngayon. Siguro pwede ko siyang kwentuhan ng mga nangyari sa akin. Later on siguro maiintindihan na niya. Tinuturuan ko rin siyang magsimba. May kapatid din ako na 14 years old nanganak na. Sana huwag mangyari kay Michaela ‘yung gano’n. Natatakot ako, gagawin ko ‘yung lahat na huwag mangyari ‘yon,” makahulugang pahayag ng komedyana.
Nakararamdam ng takot ang aktres ngayon sa kanilang pagsasama ni Chef Jessie. Mayroong sumasagi sa isipan ni Ethel dahil mag-50 taong gulang na sa susunod na buwan. “‘Ipagpapalit mo pa ba ako?’ Bigla akong naiiyak, nasa menopausal stage na kasi ako. Natatakot ako, hindi na kami masyadong intimate. Meron akong mga hormones (hormonal imbalance), hindi ko alam kung nagtatampo siya. Natural sa mga mag-asawa ‘yon, ‘di ba? Natatakot ako baka mamaya ipagpalit niya ako,” naluluhang pagtatapat ni Ethel.
Sampung taon nang nagsasama sa iisang bubong sina Chef Jessie at Ethel. Hindi pa raw nakikita ng aktres na magpapakasal sila ng nobyo.
“Natatakot akong magpakasal kasi nga ‘yung nangyari sa parents ko. Kahit na nagpakasal sila, wala namang assurance. Kagabi lang, si Michaela nagsuot siya ng puting gown. Sabi niya, ‘Mommy, I want to wear this on your wedding.’ Tapos sinabi rin pala niya (kay Jessie), ‘When are you going to marry mom?’ tapos dineadma ko lang.
“Gusto rin niya siguro akong makita na ikakasal. Napag-uusapan namin (ni Jessie) matagal na. Binibiro ko, ayoko, ayoko. So hindi niya pinipilit. Siguro dahil nare-reject siya. Parang nagbago ang isip ko, and siguro tumatanda na rin ako, maganda rin naman na... malay natin next year, ha-ha-ha!” pagbabahagi ng aktres.
Malaki na ang ipinagbago ng buhay ni Ethel mula nang makilala ang nobyo. Para sa komedyana ay talagang kakaiba si Chef Jessie bilang kanyang katuwang sa buhay. “Iba siya, hindi katulad ng past relationship ko, more on sa future. Actually, lahat ng social media (accounts) ko siya ang gumawa. ‘Kasi kikita ka diyan.’ Tinutulungan niya ako, lahat. ‘Para naman sa iyo lahat ‘yan.’ Sabi ko, ‘Ang galing naman nito.’ Hindi katulad ng iba na gagawin kang matrona, magpapabili sa iyong motor, kotse. Iba si Jessie, sobrang happy ako. Meron akong business ngayon dahil din sa kanya. Nag-resign siya sa pagiging chef. Meron na kaming beauty and wellness (business) dahil din sa kanya, siya talaga lahat. Sa past boyfriends ko, hindi ako nakakabuo, hindi ako nagkakaanak. Sa kanya ako nagkaanak. Tapos siya rin, sa past (relationship niya, nagkaanak) puro lalaki. And hiniling niya rin kay Lord, gusto niya maging babae,” pagdedetalye ng komedyana. — Reports from JCC
- Latest



















