Rocco at Melissa, na-wow mali sa second baby!

Ang mag-asawang Rocco Nacino at Melissa Gohing ang ilan sa una naming nakatsikahan sa nakaraang Gabi ng Parangal ng 51st Metro Manila Film Festival.
Ang laki na ng tiyan ni Melissa, at sa March 2026 na nga raw ang due niya. Baka sumabay pa ito sa birthday ni Rocco.
May limang names na raw silang pinagpilian, kasi biglang nabago raw ang plano nang malaman nilang baby boy pala ang ipinagbubuntis nito.
“Akala namin girl. Girl naka-ready, nalaman namin boy. Ay palit-palit, change plans,” napangiting pakli ni Rocco.
Okay lang din kay Melissa na masundan pa uli sila ng anak hangga’t magka-girl daw sila.
“Okay lang, the more the merrier. Five kaming magkakapatid e, sa side ko. So, masaya na maraming kapatid,” sabi ni Melissa.
Hindi raw siya gaanong hirap ngayon sa kanyang pagbubuntis, kung ikukumpara sa una.
Nagpapasalamat siya kay Rocco dahil sa pagiging nurse niya ay marunong daw itong mag-alaga ng baby at kahit pati sa kanya dahil caesarean siya. “CS ako e. Pero alam mo lagi kong ipinagmamalaki, buti na lang talaga, nurse ‘yung asawa ko. Kasi siya talaga ‘yung may alam sa paghawak ng baby.
“Ako, hindi ako marunong. Siya ‘yung nag-change ng diapers, lahat. Ito, pinagsisihan ko na hindi ko siya binidyuhan sa mga ganung bagay.
“So, itong second baby, sinisigurado ko na ido-document ko na. Magaling siya mag-alaga ng baby. Kaya suwerte ako sobra.
“Pati ‘yung mga incisions ko sa CS, siya talaga ‘yung naglilinis,” sabi pa ni Melissa.
Samantala, nagpapasalamat si Rocco dahil maganda ang feedback sa pelikula nilang Bar Boys: After School.
May word of mouth ang pelikula, kaya lalong dumami ang mga manonood, at ang latest ngang nasagap namin ay nadagdagan pa sila ng sinehan. “Ngayong marami na ang nakapanood, sila na ang gumawa ng marketing para sa amin. Pati kami nagugulat na sinasabi nila na o ito ‘yung top 5, uy number one ang Bar Boys para sa kanila. Parang iba ‘yung kilig na naramdaman namin. Kaya sana madagdagan ng sinehan,” saad pa ni Rocco Nacino.
Carmina at Zoren, walang bitterness kahit walang award sa MMFF
Wala mang nakuhang award ang pelikulang Rekonek noong Gabi ng Parangal, masaya pa rin ang mag-asawang Zoren Legaspi at Carmina Villarroel nang dumalo sila sa nakaraang awards night.
Sobrang na-enjoy raw nila ang gabing ‘yun dahil doon ay nagkikita-kita raw sila ng ilang kaibigan at mga nakatrabaho noon. “Ang tagal na naming hindi uma-attend sa mga ganung klaseng event.
“Mahiyain kami sa mga ganun. But we decided na, sige nga sa mga ganyan-ganyan we should go. Kasi nakaka-miss din pala. Marami kaming mga... you know mga taga-pelikula, nagkakabatian, nagkakumustahan, nakaka-miss. Nagkita-kita roon.
“Okay din pala ang mga ganitong event. Kaya ngayon, nagpagawa na ako ng mga 50 pieces na coat and tie, para ready na. Oo! Ginaganun ko na lang sa cabinet ko,” natatawang pahayag ni Zoren nang makatsikahan namin sila sa block screening ng Rekonek sa Power Plant.
“Fifty talaga?!” bulalas naman ni Carmina.
Sabi pa ni Carmina, maganda raw ang venue na pinagdausan ng awards night dahil hindi ganun kalaki, nagkikita-kita silang lahat at masayang nagkakumustahan. “Masaya ‘yung gabing ‘yun, kasi sabi ko nga, eksakto ‘yung laki nung ballroom. Kasi, makikita mo ‘yung mga kapwa artista mo, ‘yung mga kasamahan mo sa pelikula.
“Kaya alam mo ‘yun, para kang nagmi-mingle, nagpa-party kasi may pagkain, may wine. So alam mo ‘yun... for me ha? Na parang relaxed lang siya, masaya lang,” masayang sabi pa ni Carmina.
Okay lang daw na wala silang napanalunan, at friendly competition naman daw ‘yun, sabi ni Zoren.
“Masaya lahat at saka masaya kami para dun sa mga taong nanalo. Kasi alam naman talaga namin na deserving ‘yung mga nanalo. At saka kung puwede nga lang, lahat panalo e.
“Pero hindi, it’s a competition e. Na parang, wala… merong mananalo, merong natatalo,” tugon ni Carmina.
Nakatsikahan din namin doon ang kambal na Cassy at Mavy Legaspi.
Hiningan namin ng reaction si Cassy sa sinasabi ng karamihan na puwede talaga siyang sumali sa beauty competition.
Iyon nga lang, ayaw raw ng tatay niyang si Zoren, dahil sa mga isyu ngayon sa beauty competitions. “E panu kung gusto ko?” bulalas ni Cassy.
“Yeah! I see a lot of comments naman. I’m not closing any doors. Parang slowly, parang paunti-unti, parang may interes na ako. Slowly. But, we’ll see, we’ll see,” napangiting sambit ni Cassy Legaspi.
- Latest






















