Batas,para kanino?
Tatlong high-profile na pangalan. Tatlong magkaibang usapin. Pero iisa ang tanong ng publiko: bakit tila napakahirap abutin ng batas ang mga taong may pangalan, pera at koneksyon?
Nariyan sina Senator Bato dela Rosa, Atong Ang at dating BuCor chief Gerald Bantag—mga personalidad na sa iba’t ibang dahilan ay naging sentro ng mga kasong may malaking interes ng publiko. At habang patuloy ang mga proseso at pagtugis, nananatili ang isang nakakabinging tanong:
Nasaan sila?
Mas nakakabahala, dahil bilyun-bilyon ang pondong inilaan ng pamahalaan sa seguridad, intelligence at iba pang operasyon. May mga tauhan, kagamitan at impormasyon ang estado. Pero bakit tila may mga taong kayang manatiling isang hakbang sa unahan ng mga awtoridad?
Kung talagang seryoso ang gobyerno, hindi sapat ang mga pahayag na “patuloy ang paghahanap.”
Hanapin. Sundan. Hulihin kung may legal na batayan. At ipakita sa publiko ang resulta.
Dahil ang batas ay hindi dapat matapang lamang sa mahihina.
Kung ang ordinaryong Pilipino ay madaling mahanap kapag may warrant, bakit parang ibang laro kapag ang hinahanap ay makapangyarihan?
At kung milyun-milyon ang ginagastos para sa intelligence, may karapatan ang masang Pinoy na magtanong kung saan napupunta ang impormasyon at bakit tila walang malinaw na resulta.
Hindi naman hinihingi ng taumbayan ang himala. Ang hinihingi lang nila ay hustisya na walang pinipili.
Dahil kapag ang batas ay nagiging malakas sa mahina pero mahina sa makapangyarihan, hindi na lang mga wanted ang nawawala. Pati tiwala ng bayan.
- Latest


















