Pampasaherong bus nasunog sa terminal
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Isang nakaparadang pampasaherong bus ang natupok makaraang sumiklab ang sunog sa Roxas Grand Terminal sa Barangay Bagumbayan, Roxas, Oriental Mindoro, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat, naganap ang sunog dakong alas-8 ng umaga nang bigla na lamang nagliyab ang Gold Star bus na pinamamahalaan ng Ceres Transport, sa loob ng terminal nito.
Wala namang iniulat na nasugatan o nasaktan sa insidente dahil nakababa na ang lahat ng pasahero ng bus nang maganap ang insidente.
Agad namang rumesponde sa lugar ang dalawang fire truck mula sa Roxas-Bureau of Fire Protection (BFP) upang maapula ang apoy.
Nagdeklara ang BFP ng fire out bandang alas-8:30 ng umaga.
Sinisilip na electrical fault sa air-conditioning wiring ng bus ang pinagmulan ng apoy, ayon kay Senior Fire Officer 3 Querube Peradilla, officer-in-charge ng Roxas BFP.
Nabatid na kararating lang mula sa Maynila ang nasabing bus, nang mangyari ang sunog.
- Latest




















