Delivery rider, huli sa P510-K shabu

BATANGAS CITY, Philippines — Arestado ang isang 30-anyos na delivery rider na itinuturing na High-Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng tinatayang P510,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Bolbok ng lungsod na ito, nitong Sabado, Nobyembre 28.
Kinilala ni Police Col. Oliver B. Ebora, director ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), ang suspek sa alyas na “Alvin,” binata, at residente ng Barangay Anabu, Imus City, Cavite.
Batay sa paunang imbestigasyon, ikinasa ng City Drug Enforcement Team ng Batangas Component City Police Station, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang operasyon matapos magpositibo ang pagbebenta umano ng suspek ng ilegal na droga sa isang pulis na nagsilbing poseur buyer.
Nasamsam mula sa suspek ang apat na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 75 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P510,000.
Narekober din sa operasyon ang isang tunay na P1,000 marked money, 13 piraso ng P1,000 boodle money, dalawang plastic container, isang itim na belt bag, at isang kulay itim at gray na Honda Click motorcycle na may plakang D68UN na ginamit umano ng suspek.
Isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng pinangyarihan sa harap ng suspek, at sinaksihan ng isang kinatawan ng media at opisyal ng barangay.
- Latest
















