Resto owner sa Bulacan, itinumba!
Habang bumibili ng prutas
SANTA MARIA, Bulacan - Patay ang isang 65-anyos na nagmamay-ari umano ng isang Steak House Restaurant matapos barilin ng tatlong armadong lalaki suspects habang bumibili ang biktima ng prutas sa isang talipapa sa Barangay San Vicente, dito sa bayan noong Lunes.
Hindi pa pinangalanan ng pulisya ang biktima na idineklarang patay sa Rogaciano Mercado Memorial Hospital habang nilalapatan ng lunas.
Sa paunang imbestigasyon, alas-4:30 ng hapon nang lapitan at pagbabarilin ng mga suspek ang biktima. Matapos na makitang bumulagta at napurahan ang biktima, dalawa sa mga suspek ang sumakay sa motorsiklo at tumakas patungo sa City of San Jose del Monte habang ang isa pang suspek ang sumakay sa puting Yamaha NMAX at tumakas patungo sa Barangay Parada sa bayan ng Santa Maria.
Isinugod ang biktima sa Rogaciano Mercado Memorial Hospital para malapatan ng lunas. Gayunman, sinabi ng hepe ng Santa Maria Police na si Lt. Col. Mark Louie Sigua na namatay rin ang biktima dahil sa mga tama ng bala.
Narekober sa nasabing lugar ang dalawang basyo ng 9mm na bala, isang basyo ng .45 caliber, at isang deformed na bala ng .45 caliber.
- Latest

















