DPWH Office sa Cebu, pinagbabato ng kamatis!
MANILA, Philippines — Inulan ng mga kamatis matapos na pagbabatuhin ng nagngingitngit na mga raliyista ang tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-District Engineering Office malapit sa pantalan ng lungsod ng Cebu nitong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ng Cebu City Police, nagsagawa ng rally ang grupo ng multi-sectoral groups at mga kabataan na kinondena ang malawakang korapsyon sa ghost flood control projects ng ahensiya.
Kabilang sa mga nagsagawa ng rally ay ang Bayan-Central Visayas, Sanlakas Cebu at ang Kabataan Partylist na nagtipon sa harapan ng DPWH-Engineering Office sa lugar.
Bitbit ng mga raliyista ang mga placards at ang basket-basket ng mga hinog na kamatis na umano’y simbolo ng kabulukan ng ahensiya.
Inakusahan ng mga demonstrador ang DPWH executives ng garapalan umanong pangungurakot ng pondo ng bayan sa umano’y pagiimplementa ng mga projects na hindi naman nila makita at mga ghost projects lamang .
Samantalang ang mga DPWH officials ang sinisisi ng mga raliyista sa matinding pagbaha sa Cebu City kung saan ang mga mamamayan ng lungsod ang nagdurusa.
Inihayag ni Ian Peter Guanzon, Vice Chairperson ng Kabataan Partylist Cebu City na ang nasabing demonstrasyon ay bilang pagkondena at nais din nilang mapanagot ang mga opisyal ng DPWH.
Umapela naman ang taga-pagsalita ng DPWH-Cebu City District na si Malou Avila ng hinahon sa mga raliyista dahilan gumugulong na umano ang imbestigasyon.
- Latest






















