Convenience store sa Cavite hinoldap, 2 arestado

CAVITE, Philippines — Isa isa na namang sangay ng kilalang convenience store sa Brgy. Burol Main, Dasmariñas City ang pinasok at hinoldap ng dalawang lalaki na matagumpay na naaresto ng pulisya sa hot pursuit operation, kamakalawa.
Sa ulat ng Dasmarinas City Police, naganap ang insidente bandang ala-1:45 ng madaling araw sa Alfamart-Pasong Bayog Branch sa Brgy. Burol Main.
Sa imbestigasyon ng pulisya, magkasunod na pumasok ang dalawang suspek na kapwa naka-facemask. Agad silang bumunot ng maiksing at nagdeklara ng hold-up saka tinutukan nila ng baril ang mga staff ng store na sinabihang papatayin kapag nag-ingay.
Mabilis na nilimas ng mga suspek ang pera na kinita ng tindahan at mga cellphone ng mga biktima.
Batay sa salaysay ng mga staff, kapwa nakasuot ng jacket na my hood ang dalawang suspek, isa rito ang nakasuot din ng sumbrero na kulay green.
Matapos malimas ang mga pera at cellphone, mabilis na lumabas ng store ang mga suspek, at naglakad lamang patakas.
Sa isinagawang follow-up operation ng Dasmarinas City Police kasunod ng isinagawang backtracking ng mga CCTV sa lugar, natukoy ang mga suspek at naaresto dakong alas-6 ng gabi, kaparehong araw sa Brgy. Bucandala 5, Imus City. Positibo silang kinilala at itinuro ng mga staff ng nasabing convenience store.
Narekober sa mga suspek ang isang 9mm pistol, isang cal. 22 at mga bala.
- Latest
















