160 menor-de-edad nasagip; Kanong Pastor, arestado

MANILA, Philippines — Naisalba ng Department of Social Worker and Development (DSWD) ang 160 menor-de-edad mula sa pang-aabuso ng isang child care facility na pinatatakbo ng New Life Baptist Church Inc. sa Mexico, Pampanga.
Isinilbi ng DSWD ang isang Cease and Desist Order (CDO) sa New Life Baptist Church Inc. matapos makumpirma ang mga pang-aabuso sa mga bata na may edad 3 buwang gulang hanggang 17-anyos dahil sa paglabag sa mga regulasyon ng DSWD.
Hiniling na ng DSWD ang pagpapalabas ng hold departure order laban sa naturang pasibilidad na pinangangasiwaan ng isang Pastor Jeremy Ferguson,isang American national.
Sa press briefing sa QC, sinabi ni Asst. Secretary Janet Armas, head ng Regulatory Services ng DSWD na batay sa reklamo ng mga magulang ng mga bata, nagsimba lang ang kanilang mga anak sa pasilidad pero hindi na umano pinauwi ang mga bata sa kanilang pamilya.
Ayon kay Armas, nang isalba ang mga menor-de-edad ay nakitang mga nakakadena pa ang mga ito at nasa walong mga bata naman ang nakitaan ng mga sariwang sugat at pasa sa katawan.
Ang mga bata ay nailipat na sa reception child care facility ng DSWD sa Lubao, Pampanga para bigyan ng ibat ibang interventions tulad ng psycho social processing at paghahanap sa mga magulang at kaanak ng mga bata para maibalik sa kanilang pamilya.
- Latest
















