Mag-ina arestado sa P3.4 milyong shabu

COTABATO CITY, Philippines — Agad na nadetine ang isang 38-anyos na ina at ang kanyang menor-de-edad na anak na babae matapos silang mabilhan umano ng nasa P3.4 milyon na halaga shabu ng mga pulis sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Poblacion 5, Cotabato City nitong Biyernes.
Kusang loob na nagpaaresto sina Farida Bai Montar, 38-anyos, at ang kanyang 16-anyos na anak nang kanilang mapuna na mga hindi unipormadong pulis pala ang kanilang nabentahan ng shabu sa isang lugar sa Barangay Poblacion 5 sa Cotabato City.
Iniulat nitong Sabado ni Brig. Gen. Jaysen de Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na magkatuwang ang mga kasapi ng Drug Enforcement Group-Special Operations Unit 15 at mga operatiba ng iba’t ibang units ng Cotabato City Police Office na pinamumunuan ni Col. Jibin Bongcayao, sa buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng mag-ina.
Ayon kay De Guzman, naging matagumpay ang naturang operasyon dahil sa suporta ng mga barangay officials at mga miyembro ng multi-sector Cotabato City Peace and Order Council na ang chairperson ay si Mayor Bruce Matabalao.
Nakakulong na si Montar habang ang kanyang 16-anyos na anak ay nasa magkatuwang na kustodiya na ng PRO-BAR at ng local government unit ng Cotabato City.
- Latest
















