Pulis-CIDG, traffic enforcer na target utas!

Surveillance ops nauwi sa engkuwentro
COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang miyembro ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at isang contractual traffic enforcer ng isang government agency nang nauwi sa engkuwentro ang ikinasang surveillance operation laban sa huli sa Barangay Santa Cruz sa San Jose, Dinagat Islands nitong Huwebes ng madaling araw.
Iniulat nitong Biyernes ng mga opisyal ng Dinagat Islands Police Provincial Office at ng CIDG Dinagat Field Office sa probinsya na minamanmanan lang nina Patrolman Ferry Sida Jaso, at isa pang pulis, ang traffic enforcer na si Anjun Casador nang biglang bumunot ng .45 caliber pistol ang huli at agad siyang binaril sa ulo na kanyang ikinabulagta.
Ayon sa ulat, si Casador ay isang traffic enforcer ng Land Transportation Office, na casual employee ng naturang ahensya.
Ayon sa mga lokal na kinauukulan, naatasan si Jaso at ang kanyang kasamang si Patrolman Leonel Estroso ng kanilang mga opisyal na i-surveillance si Casador dahil sa illegal possession of firearms at pagkakasangkot sa iba pang ilegal na gawain.
Ayon ng mga opisyal ng Dinagat Provincial Police Office at ng mga local executives sa San Jose, nahalata ni Casador ang pagmamanman sa kanya ni Jaso kaya agad niya itong binaril sa ulo na nagsanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Dinampot pa ni Casador ng Taurus 9 millimeter pistol ni Jaso at aktong tatakas na sana ngunit agad naman siyang nabaril ni Estroso na nagsanhi rin ng kanyang agarang pagkamatay.
- Latest


















