Magdyowa timbog sa P3.4 milyong shabu
GOA, Camarines Sur, Philippines — Kapwa kalaboso ang mag-live in partners matapos maaresto at makuhanan ng higit sa 3.4 milyong pisong halaga ng shabu sa ginawang buy-bust ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Zone-3,Brgy.Matacla ng bayang ito kamakalawa ng umaga.
Kapwa sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na kinilalang sina Naneth Formalejo Obias, 33-anyos at Anthony Ranin Ariola, 23, pawang residente ng naturang lugar.
Sa ulat, dakong alas-6:30 ng umaga, makaraang magpositibo sa ilang araw na surveillance at test buy ay agad inilatag ang buy-bust operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Camarines Sur at PDEA-Regional Special Enforcement Team sa overall supervision ni regional director Atty. Gil Pabilona, sa tulong ng pulisya.
Hindi na nakatakas pa ang magdyowang suspek matapos arestuhin ng mga operatiba makaraang iabot sa poseur buyer ang biniling droga.
Nabawi sa mga suspek ang ilang sachet ng shabu at dalawang malalaking bungkos ng plastic bag na may lamang shabu na tumitimbang ng 510 gramo at nagkakahalaga ng P3,468,000.
- Latest