Bulkang Mayon muling nagbuga ng column ng abo

MANILA, Philippines — Muling nagbuga nitong Martes ng panibagong column ng abo ang Mayon Volcano sa Albay, ilang araw matapos ang pagputok nito na nagbunsod ng paglikas sa mga karatig-lugar.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagpakawala ang bulkan ng 1,600-meter ash plume ganap na alas-8:22 ng umaga na napadpad patungong timog-kanluran.
Nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon kung kaya’t mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer danger zone dahil sa banta ng pyroclastic density currents, lava flows, at rockfalls.
Matatandaang noong Biyernes ay nagkaroon din ito ng halos anim na minutong “moderately explosive eruption” na nagpalabas ng 3,000-meter column ng abo patungong kalawakan.
Ang 2,462-meter na bulkan na kilala sa halos perpektong hugis nito ay isa sa tatlong bulkan sa bansa na nagpakita ng mataas na antas ng aktibidad ngayong taon.
Karaniwan ang mga lindol at volcanic activity sa bansa dahil sa kinalalagyan ng Pilipinas sa Pacific “Ring of Fire” kung saan madalas ang paggalaw ng mga tectonic plate.
- Latest



















