NXLED, farm fresh patayan sa huling finals slot

MANILA, Philippines — Determinado ang No. 4 Farm Fresh na dalawahan ang No. 1 Nxled para sa pinapangarap na kauna-unahang Premier Volleyball League (PVL) Finals.
Haharapin ng Foxies ang Chameleons sa isang ‘winner-take-all’ match para sa ikalawang finals berth ngayong alas-6 ng gabi sa 2026 PVL All-Filipino Conference Siklab Series sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pinatumba ng Farm Fresh ang Nxled, 27-25, 21-25, 25-18, 19-25, 15-13, tampok ang 21 points ni Trisha Tubu, habang may 18 markers si Royse Tubino.
“Malayo pa kami dun sa goal namin kaya kailangan pa rin naming pagtrabahuhin every point,” sabi ni Tubu. “Nakita ko ‘yung struggle ng pag-establish ng franchise na ito kaya sana madala namin ‘yun sa next game.”
May bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage ang Chameleons sa semis sa pagsagupa sa Foxies na tinalo nila sa elimination, 25-19, 25-17, 23-25, 20-25, 15-12, noong Oktubre 17 patungo sa kanilang eight-game sweep.
Ang mananalo sa Farm Fresh at Nxled ang hahamon sa nagdedepensang Creamline sa best-of-three championship series na magsisimula sa Sabado.
Sinibak ng Cool Smashers, armado ng ‘twice-to-beat’ bonus, ang sister team Choco Mucho Flying Titans, 21-25, 25-17, 25-17, 25-23, sa kanilang semifinals game.
Bukod kina Tubu at Tubino, sasandal din si Foxies Japanese mentor Koji Tsuzurabara kina Ara Galang, Ces Molina, Mylene Paat-Rezanova at Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy.
Muling ipaparada ng Chameleons sina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips kasama sina Myla Pablo, EJ Cariño, Jackie Acuña, Gel Cayuna at Chiara Permentilla.
- Latest















