Doncic, Lakers bumawi sa Jazz

LOS ANGELES – Kumolekta si Luka Doncic ng 28 points at walong assists, habang nagkadena si Jake LaRavia ng 15 points at 10 rebounds sa 109-94 pagganti ng Lakers sa Utah Jazz.
Ito ang pang-limang sunod na laro na hindi sumalang si second-leading scorer Austin Reaves dahil sa kanyang heel bruise.
Nag-ambag si Matisse Thybulle ng 14 points para sa ika-11 panalo ng Los Angeles (15-3) sa huli nilang 12 laro bagama’t nakatikim ng 97-109 pagkatalo sa Utah (3-16) noong nakaraang Miyerkules.
Ang nasabing kabiguan sa Jazz ang tumapos sa nine-game winning streak ng Lakers.
Mula sa dikitang third period sa kanilang rematch ay isang 17-5 atake ang inilunsad ng Los Angeles sa pagsisimula ng fourth quarter.
Mula rito ay hindi na nakadikit ang Utah na nakahugot kay Kyle Filipowski ng 21 points at 12 rebounds.
Ito ang kanilang ikatlong sunod na kamalasan simula nang gulatin ang Los Angeles.
Nagdagdag si Ace Bailey ng 18 points at may 14 at 13 markers sina Keyonte George at rookie Darryn Peterson, ayon sa pagkakasunod.
Sa iba pang laro, binomba ng Houston Rockets ang Los Angeles Clippers, 116-104; nilapa ng Memphis Grizzlies ang Charlotte Hornets, 117-111; tinalo ng Portland Trail Blazers ang Philadelphia 76ers, 128-111; wagi ang Indiana Pacers sa Oklahoma City Thunder, 125-120; sinuwag ng Milwaukee Bucks ang Toronto Raptors, 116-111; at pinapak ng Minnesota Timberwolves ang Brooklyn Nets, 142-116.
- Latest


















