San Sebastian ayaw madungisan
MANILA, Philippines - Matapos sa mahigit 12 araw na pahinga, itataya ng nangungunang San Sebastian College-Recoletos Lady Stags ang malinis na kartada sa kanilang paghaharap sa Lyceum of the Philippines Lady Pirates ngayon sa penultimate round ng elimination sa 92nd NCAA women’s volleyball tournament na gaganapin sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Tangan ang 7-0 win-loss slate, susukatin muli ng Lady Stags ang kanilang lakas tungo sa asam na sweep laban sa malakas ding koponang Lady Pirates (5-3) sa alas-12:30 ng tanghali.
Kung matatandaan, huling naglaro ang tropa ni coach Roger Gorayeb noong Enero 11 laban sa Perpetual Help Lady Altas kung saan nagwagi sila sa tatlong sets lamang kaya pinangangambahang baka maka-apekto sa kanilang laro ngayon ang mahabang pahinga.
“It’s always hard to play against a team that is desperate, so we really have to watch out and play hard,” sabi ni San Sebastian coach Roger Gorayeb.
Kung mananalo ang Lady Stags, nakaumang na sa posibilidad na sweep sa elimination round para dumiretso sa Finals na magbubunga ng stepladder semifinals sa tatlo pang qualifiers.
Tatapusin ng mainit na Lady Stags ang kanilang elimination round assignments sa pagharap sa defending champion St. Benilde Lady Blazers (6-2) sa Miyerkules.
Sa panig naman ng Lady Pirates, kailangan nilang manalo upang masungkit ang playoff para sa huling semifinals berth.
Sa juniors division, target ng Lyceum Junior Pirates ang sweep sa elimination round sa pagharap sa San Sebastian Staglets sa alas-3:30 ng hapon.
Kung mananalo ang Junior Pirates, uusad sila sa Finals tangan ang thrice-to-beat advantage.
Sa iba pang laro, kapwa tatapusin ng Emilio Aguinaldo Generals at Letran Knights ang kanilang elimination round campaign sa alas-9:30 ng umaga habang ang Lady Generals at Lady Knights ay magtutuos sa alas-11 ng umaga at ang mga wala nang pag-asang San Sebastian Stags at Lyceum Pirates ay maghaharap sa alas-2 ng hapon.
- Latest
















