Lady Pirates habol ang No. 2
MANILA, Philippines – Matapos sa mahabang pahinga dahil sa Holiday Season, magpapatuloy ang exciting actions sa volleyball sa pagtatagpo ng Lyceum of the Philippines Lady Pirates laban sa Emilio Aguinaldo College Lady Generals sa women’s division ng 92nd National Collegiate Athletic Association (NCAA) volleyball tournament na gaganapin sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Hindi inaasahan ang pagragasa ng Lady Pirates at marami rin ang nasorpresa sa kanilang 4-1 win-loss slate para sa ikatlong puwesto kasama ang Arellano University Lady Chiefs, isang panalo lamang ang pagitan sa pumapangalawang College of St. Benilde Lady Blazers na may hawak na 5-1 card sa likod ng nangungunang San Sebastian College Lady Stags na nanatiling malinis sa anim na laro.
Maghaharap ang Lady Pirates at Lady Generals dakong alas-11:30 ng umaga habang ang Lyceum Pirates at EAC Generals ay magtatagpo sa ganap na alas-10 ng umaga.
Sa iba pang laro, itataya ng Arellano Lady Chiefs ang parehong 4-1 record sa kanilang pakikipagbakbakan kontra sa Jose Rizal Lady Bombers sa ganap na ala-1 ng hapon at hangad naman ng Arellano Chiefs ang ika-limang panalo sa pagharap sa JRU Heavy Bombers dakong alas-2:30 ng hapon. Sa natatanging juniors match, maglalaban ang EAC Brigadiers at Lyceum Junior Pirates sa alas-8:30 ng umaga.
Malakas ang tiwala ni LPU coach Emil Lontoc sa kanyang mga manlalaro, lalung-lalo na nang manalo sila kontra sa defending women’s cham-pion na St. Benilde Lady Blazers, 25-22, 24-26, 25-18, 20-25, 15-10 noong Disyembre 6.
Kung magwawagi ang Lady Pirates at Lady Chiefs sa kanilang magkahiwalay na laban, magkakaroon ng three-way tie sa ikalawang puwesto kasama ang reigning titlist na Lady Blazers na magbibigay sa kanila ng tsansang dumikit sa na-ngungunang Lady Stags.
Sasandal si coach Lontoc kina Cherilyn Jhane Sindayen, ang pang-lima sa scoring leader na tangan ang average na 14.8 puntos bawat laro.
- Latest















