'Thank you!': Angel Locsin, celebs natuwa sa ABS-CBN provisional franchise
MANILA, Philippines — Nagpasalamat sa tuwa ang ilang artista at Kapamilya stars sa posibilidad na makabalik sa ere, matapos kumilos ng Kamara sa layuning payagang makapag-operate ang ABS-CBN ng ilang buwan.
"Thank you Sen. Alan Cayetano and congress for giving us a fair chance in court without shutting us down," sabi ni Angel Locsin sa isang paskil sa Instagram. "Praying that the outcome will favor the Filipino people and enabling us to help during this crisis."
Aprubado na kasi sa House Committee of the Whole ang House Bill 6732, na planong magbibigay ng limang-buwang provisional franchise sa ABS-CBN.
Committee of the whole approves HB 6732, which is now up for plenary approval on second reading @PhilippineStar
— Edu Punay (@edupunay) May 13, 2020
Nais ng panukala, na inihain ni House Speaker Alan Peter Cayetano, na bigyan ng pansamantalang prangkisa ang Kapamilya Network hanggang ika-31 ng Oktubre, 2020.
Binubuno naman na ngayon ng panukala ang plenary approval sa ikalawang pagbasa.
Ika-4 ng Mayo nang mapaso ang prangkisa ng kumpanya matapos hindi aksyunan ng Kamara ang mahigit 12 panukalang batas na naglalayong mabigyan uli ng 25-taong prangkisa ang media company.
Dahil diyan, ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) noong ika-5 ng Mayo na itigil ng ABS-CBN ang operasyon ng kanilang mga istasyon sa telebisyon at radyo.
Kung tuluyang maipapasa ang panukala ni Cayetano, na nasisi nang dahil sa kabagalan ng kanilang aksyon, makakapanumbalik ang network sa serbisyo.
Hindi na rin napigilan ni Sunshine Cruz ng Kapamilya seryeng "Love Thy Woman" ang magalak sa naturang balita.
Thank you Congress for House Bill 6732 granting ABSCBN provisional franchise until Oct. 31
— Sunshine Cruz (@sunshinecruz718) May 13, 2020
?????????????????
Pagkontrol pa rin sa ABS-CBN?
Pero sa kabila ng pagbubunyi ng ilan sa showbiz, hindi pa rin daw 'yan alternatibo sa regular na legislative franchise na hinihingi ng media network.
"A five-month provisional franchise seeks to put ABS-CBN on a short and tight leash," babala ni Danilo Arao, propesor ng peryodismo sa University of the Philippines-Diliman.
"This further weaponizes the law to repress the media. The chilling effect is clear. The demand for 25-year franchise renewal remains."
ABS-CBN FRANCHISE ISSUE: A five-month provisional franchise seeks to put ABS-CBN on a short and tight leash. This further weaponizes the law to repress the media. The chilling effect is clear. The demand for 25-year franchise renewal remains.
— Danilo Arao (@dannyarao) May 13, 2020
Iniuugnay ng marami ang pagkakatanggal ng ABS-CBN sa ere sa pagbusal sa malayang pamamahayag, bagay na posibleng may kinalaman daw sa mga kumpas ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dati nang sinabi ni Digong na ayaw niyang ma-renew ang franchise ng kumpanya matapos nilang bigong ipalabas ang mga bayad na patalastas niya noong 2016 national elections.
Humingi na nang tawad ang ABS-CBN hinggil sa isyu, dahilan para "patawarin" na sila ng presidente. — may ulat mula kay The STAR/Edu Punay
- Latest