‘Killer-for-hire’ dedo, kasabwat arestado
COTABATO CITY, Philippines — Napatay ng mga pulis at mga tropa ng Philippine Marines sa isang engkuwentro ang isang umanong “killer-for-hire” habang naaresto ang kanyang kasama na nasugatan,naganap nitong gabi ng Miyerkules, Barangay Poblacion 4 ng lungsod na ito.
Kinilala ang nasawing suspek na si Amarudin Usman Acop habang kasama nitong nasugatan at naaresto ay si Homidie Saptula Salipudin.
Bago naganap ang engkuwentro ay binaril ng dalawang suspek ang dalawang residente ng Barangay Poblacion 4 sa Cotabato City na sina Abdulhaq Umal at Niño Galimba na kapwa nasugatan. Habang tumatakas sakay ng motorsiklo ay nasabat sila nang magkasanib na tropa ng Cotabato City Police Office at Marine Battalion Landing Team-5.
Sa halip na sumuko ay naglabas ang mga ito ng baril at pinaputukan ang mga otoridad kaya’t napilitan na gumanti at napatay si Acop at pagkasugat ni Salipudin.
Nabatid na ang napatay na si Acop, ng Barangay Kauran sa Ampatuan, Maguindanao del Sur, ay matagal ng pinagdududahan ng mga kakilala at local officials na isang bayarang killer at sangkot diumano sa 13 na pagpatay sa kanilang probinsya at sa ilang bayan ng Isulan,Sultan Kudarat at sa Cotabato City.
- Latest