Sigang mister armado ng baril, nagwala kalaboso
CAVITE, Philippines — Nawala ang tapang ng isang lasing na mister matapos arestuhin ng pulisya matapos nitong magwala sa kanilang lugar at armado ng baril, kamakalawa sa Brgy Molino 3 Bacoor City.
Nahaharap sa mga kasong Alarm and Scandal and Violation of RA 10591 ang suspek na kinilala sa alyas “Edelson,” nasa hustong gulang, residente ng lugar.
Base sa ulat ng pulisya, alas-3:30 ng madaling araw naganap ang insidente sa tapat ng Melba’s Grill House sa kahabaan ng GSIS road kung saan nagwawala ang suspek.
Lasing na lasing umano ito at nagsisigaw sa lugar habang armado ng maiksing baril.
Sa pagresponde ng pulisya at Swat Personnel ng Bacoor City kasama ang Patrol Bayanihan ng lugar, naabutan pa ng mga ito ang suspek na nagwawala at nagsisigaw.
Nakumpiska sa suspek ang 1 Colt .45-caliber pistol na may Serial No. 257896 at loded ng 1 bala at magazine na naglalaman ng 5 bala, at 1 holster.
Agad inaresto ang suspek at kasalukuyan nang nakakulong.
- Latest


















