Babaeng estudyante binurdahan ng saksak, patay

BATANGAS, Philippines — Tadtad nang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang matagpuan ang isang 20-anyos na dalagang estudyante, nung una ay inakalang biktima ng hit and run na natagpuan sa kalsada, kamakalawa ng gabi sa Lipa City Batangas.
Base sa ulat, alas-6:45 ng gabi nang madiskubre ng isang residente ang biktima na duguang nakahandusay sa kalsada. Inakalang biktima ito ng aksidente at na hit and run. Kinilala ito sa alyas “Jaz,” 20-anyos, estudyante, residente sa Brgy. Duhatan Purok 1 Lipa City, Batangas.
Base sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-6:45 ng gabi, natagpuang duguan at nakahandusay ang biktima sa kalsada sakop ng Purok 7 Brgy. Pinagtungulan, Lipa City.
Sa pahayag ng Barangay Public Safety Officer (BPSO) ng Brgy. Dugatan, nakatanggap sila ng report mula sa isang concerned citizen na may biktima umano ng vehicular accident sa boundary ng kanilang barangay.
Sa pagresponde ng mga ito, duguang nakabulagta ang dalagang biktima at kalat ang dugo sa paligid nito. Agad nila itong itinakbo sa Metro San Jose Medical Center at dito napag-alaman na tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Idineklarang dead-on-arrival na ito sa pagamutan. Kasalukuyan pang inaalam ng mga awtoridad ang posibleng motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.
Nagsasagawa na rin ng pag-review sa mga CCTV footage sa lugar ang pulisya.
- Latest

















