Bomb expert ng DI terrorist group sumuko

MANILA, Philippines — Sumuko sa tropa ng militar ang isang notoryus na bomb expert ng Dawlah Islamiyah (DI) terrorist group sa bayan ng Pigcalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, ayon sa opisyal ng militar kahapon.
Sinabi ni Col. Roden Orbon, spokesman ng Army’s 6th Infantry Division (ID), ang sumukong bomb expert ay isang 35-anyos na DI terrorist na nag-o-operate sa Central Mindanao.
Hindi muna tinukoy ni Orbon ang pagkakakilanlan ng nasabing terorista para sa kaniyang seguridad habang patuloy ang dragnet operation laban sa mga kasamahan nito upang matuldukan ang paghahasik ng karahasan.
Inihayag ni Orbon na ang nasabing terorista ay nagpasyang sumurender kamakailan sa 1st Brigade Combat Team (IBCT) ng Phil. Army sa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Vladimir Cagara.
Sa inisyal na interogasyon ng militar, inamin ng terorista na nagdesisyon siyang sumuko bunsod ng matinding pangamba sa pinaigting na opensiba ng tropa ng mga sundalo laban sa kanilang grupo. Idinagdag pa rito ang matinding gutom, hirap at pagod na kanilang nararanasan sa patuloy na pagtatago sa kabundukan at kagubatan.
Kasabay ng kanyang pagbabalik-loob, isinuko rin ng nasabing bomb expert ang isang Uzi 9mm submachine gun at isang 60mm improvised explosive device (IED).
- Latest