9 nurses, 1 doktor ng Batanes General Hospital, positibo sa COVID-19
BASCO, Batanes, Philippines — Nababahala ngayon ang pamunuan ng Batanes General Hospital (BGH) matapos magpositibo sa COVID-19 ang 9 sa mga nurses kabilang na ang mismong chief of hospital sa nasabing lalawigan.
Ayon sa ulat, ang 9 na mga nurses, kabilang si Dr. Jeff Canceran, ang chief ng BGH, ay posibleng nahawa sa ilang mga pasyente na kanilang ginagamot sa nasabing hospital.
Inihayag naman ni Dr. Glen Matthew Baggao, chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na magpapadala sila ng mga karagdagang nurses sa Batanes upang hindi makompromiso ang serbisyong medical sa lalawigan.
Kasabay nito ay nagpadala na rin ang CVMC ng mga karagdagang Personal Protective Equipment o PPE sa BGH para may magamit ang mga medical personnel doon.
Sinabi rin ni Baggao na nakahanda rin silang tanggapin ang mga pasyenteng severe dahil sa COVID-19 mula sa Batanes.
Sa pinakahuling talaan ng DOH, nasa 282 na ang aktibong kaso ng COVID sa buong lalawigan matapos madagdagan ng 32 na bagong kaso nitong Biyernes.
Nasa 17 lamang ang kabuuan na tinamaan ng COVID-19 sa buong Batanes simula noong nakalipas na taon, subalit nitong September ay agad na nagtala ang lalawigan ng 282 na kaso.
Sa kabuuan ay nasa 299 ang kaso sa lalawigan, 17 ang gumaling habang walang naitalang nasawi.
- Latest