Drug raid: 4 ‘pusher’ huli sa P36.3 milyon shabu
MANILA, Philippines — Umiskor ang mga awtoridad matapos na madakip ang apat na hinihinalang bigtime drug pusher at masamsaman ng mahigit tatlong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P36.3 milyon sa isinagawang drug raid sa Brgy. Sambag 2, Cebu City nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga nasakoteng umano’y tulak ng droga na sina Michael Carabaña, 28, na siyang target ng drug operation; Arnold Arquiza, 37; Agustin Quijano, 34, at Jemuel Enrile, 24-taong gulang.
Sa report ni Sr. Supt. Royina Garma, hepe ng Cebu City Police, dakong alas-10 ng gabi nang isagawa ng mga anti-drug operatives ng Guadalupe Police Station ang drug bust operation sa Urgello Street, Brgy. Sambag 2 ng lungsod.
Ayon kay Garma, may mataas na demand ng shabu sa lungsod base sa bulto ng droga na nakumpiska na sa loob lamang ng halos isang buwan ay nasa P90 milyon na ang halaga.
Si Carabaña ay isang high value target sa drug watchlist ng pulisya na isinailalim sa masusing surveillance operation bago nabitag.
Ang tatlo pang drug pusher na kasamahan ng target na si Carabaña ay nasa apartment nito sa lugar nang isagawa ang raid kung saan naaktuhan habang nagpapartehan sila sa ibebentang droga.
Pinaniniwalaan na ang mga droga na nakumpiska sa mga suspek ay galing pa sa Metro Manila na nailusot lamang sa lungsod.
- Latest