Vietnam pag-aaralan ang panukala ng mga SEAG member countries
MANILA, Philippines — Sa susunod na linggo inaasahang maglalabas ng desisyon ang Vietnam kung itutuloy o iuurong ang pagdaraos ng 31st Southeast Asian Games.
Isa ang Pilipinas, hinirang na overall champion noong 2019 edition, sa walong bansang bumoto para matuloy ang SEA Games sa itinakdang petsa sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2.
“It’s unfair to the athletes who have already sacrificed their time and effort in training for the SEA Games,” wika ni Philippine Olympic Committee (POC) president at Tagaytay City Rep. Abraham “Bambol” Tolentino matapos ang isinagawang video conference meeting kamakalawa.
Maliban sa Pilipinas, ang iba pang gustong matuloy ang SEAG ngayong taon ay ang Thailand, Singapore, Malaysia, Brunei, Cambodia, Indonesia at Timor Leste.
Noong nakaraang linggo ay hiniling ng Vietnam Olympic Committee (VOC) sa SEA Games Federation Council na ipagpaliban ang SEAG dahil sa pagtaas ng kaso ng mga nagpopositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa kanilang bansa.
Sa Hulyo ng taong 2022 nila ito gustong gawin.
Ngunit sa nasabing taon ay nakaiskedyul ang Winter Olympics sa Pebrero 4-20 sa Beijing, China, ang Asian Indoor and Martial Arts Games sa Marso 10-20 sa Thailand at ang Asian Games sa Setyembre 10-25 sa Hangzhou, China.
- Latest