Carlos aakayin ang Cool Smashers sa PVL finals
MANILA, Philippines — Aminado ang buong Creamline team na matinding pagsubok ang pagdaraanan nito bago makapasok sa finals ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Nasa must-win situation ang Cool Smashers kontra sa Chery Tiggo para maipormalisa ang pagkopo sa return ticket sa best-of-three championship showdown.
Extra motivated ang Cool Smashers dahil nais nitong makaresbak sa Crossovers na isa sa tumalo sa kanila sa eliminasyon.
“I’m sure yung bawa’t isa sa amin, gusto ring makabawi, and we’ll make sure na may natutunan kami doon sa loss namin doon sa eliminations,” ani opposite spiker Tots Carlos.
May 1-1 marka ang Cool Smashers sa round-robin semis.
Wala si Carlos nang lumasap ang Cool Smashers ng 25-13, 25-19, 21-25, 20-25, 16-18 kabiguan sa kamay ng Choco Mucho Flying Titans sa opening day ng semis.
Sumabak si Carlos sa Korean V-League Asian Quota Draft tryout sa Jeju Island sa South Korea.
Hindi nakuha si Carlos kaya’t agad itong bumalik sa aksiyon.
At hindi naman binigo ni Carlos ang Cool Smashers dahil naglatag ito ng solidong laro para tulungan ang kanilang tropa na makuha ang 27-25, 23-25, 27-25, 26-24 panalo sa Petro Gazz Angels.
Malaki ang pasasalamat ni Carlos sa suporta at tiwala na ibinigay sa kaniya ng pamunuan ng Cool Smashers.
- Latest