8 PBA teams sumabak na sa ensayo sa Batangas
MANILA, Philippines — Matapos ang TNT Tropang Giga, Meralco at NLEX, binuksan na rin ng walong koponan ang kani-kanilang mga training camps.
Sumabak sa ensayo ang Barangay Ginebra, San Miguel, Magnolia, Alaska, Rain or Shine, Phoenix, NorthPort at Terrafirma sa tatlong venues sa Batangas bilang preparasyon sa PBA 46th Season.
Sinimulan ng nasabing mga PBA teams ang kanilang mga training at scrimmages sa Batangas City Coliseum, Batangas State University Gym at Lyceum-Batangas Gym.
Sa Batangas din maglalagay ng kanilang training camp ang Blackwater, ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial.
Umarangkada na ng kanilang ensayo ang TNT Tropang Giga at Meralco sa Laoag, Ilocos Norte habang nasa Clark, Pampanga naman ang NLEX.
Nag-eensayo ang mga PBA teams sa labas ng NCR Plus (Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna) dahil sa umiiral pa ring General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions.
Umaasa ang PBA na mabibigyan sila ng go signal ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa training at scrimmages ng mga koponan sa mga GCQ at MGCQ areas.
Sa inaasahang pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa ay posibleng maitakda ng liga ang Season 46 sa katapusan ng Hunyo.
- Latest