Abueva, Almazan sibak sa Gilas
MANILA, Philippines — Hindi na nagpapakita sina Alaska small forward Calvin Abueva at center Raymond Almazan sa once-a-week practice ng Gilas Pilipinas sa Meralco Gym.
Kaya naman wala nang nagawa si head coach Chot Reyes kundi ang alisin sa 15-man national pool sina Abueva at Almazan para sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa second window ng Asian Qualifiers para sa 2019 FIBA World Cup sa China.
Idinahilan ng 6-foot-2 na si Abueva ang kanyang hamstring injury habang problemado naman sa kanyang laro para sa Rain or Shine ang 6’7 na si Almazan.
Sa ikatlong ensayo ng Nationals noong Lunes ay hindi uli sumipot sina Abueva at Almazan.
Hindi rin nagpakita sina Barangay Ginebra wingman Japeth Aguilar, Phoenix shooting guard Matthew Wright at Blackwater star Allein Maliksi.
Sumabak sa ensayo sina San Miguel star center June Mar Fajardo, Rain or Shine forward Gabe Norwood, Troy Rosario at RR Pogoy ng TNT Katropa, Jio Jalalon ng Magnolia, Mac Belo ng Blackwater, rookie guard Kiefer Ravena at Kevin Alas ng NLEX, samantalang nakasibilyan naman sina Jayson Castro ng TNT Katropa at Carl Cruz ng Alaska.
Ang Gilas Pilipinas team na nagtala ng 2-0 record sa first window ng Asian Qualifiers noong Nobyembre ay sina Fajardo, Aguilar, Abueva, Rosario, Castro, Ravena, Alas, Pogoy, Wright, Maliksi, Norwood at naturalized Andray Blatche.
Sa first window ay pinabagsak ng Nationals ang mga Japanese, 77-71 sa Tokyo, Japan at ang mga Taiwanese, 90-83 sa Smart Araneta Coliseum.
Haharapin ng Gilas ang Australia sa Pebrero 22 sa Melbourne kasunod ang Japan sa Pebrero 25 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
- Latest