La Viuda (66)
Isang huling sulyap ang ibinigay ni Ernesto sa kanyang ina na gumagapang pa rin patungo sa nasusunog na hagdanan habang tinatawag ang pangalan ni Emilio, bago tuluyang nilamon nang makapal na usok at apoy ang kinaroroonan ng matanda.
“Dito! Dito sa likod!”
Mula sa makapal na usok sa pasilyo ng kusina, sumulpot si Hulyana na may basang tela sa ilong. Itinuro niya ang bukas na lagusan patungo sa likurang bahagi ng mansiyon.
Nagtulungan sina Andres at Ernesto na alalayan ang nanghihinang sina Kristina at Aling Pacing habang umuubo at halos gumapang na sila sa ilalim ng makapal na usok. Sa bawat hakbang nila palabas sa likurang pinto, maririnig ang sunud-sunod na pagbagsak ng mga nasusunog na kahoy at salamin sa loob ng bulwagan.
Nang tuluyan silang makatapak sa malamig at basang damuhan sa labas ng mansiyon, sabay-sabay silang napaluhod upang habulin ang kanilang hininga.
Sa kanilang likuran, isang napakalakas na dagundong ang yumanig sa lupa nang tuluyang gumuho ang bubong ng mansiyon ng mga Valderrama, lalong lumaki ang mataas na haligi ng apoy at itim na usok patungo sa langit na unti-unti nang nagliliwanag sa unang sikat ng araw.
Umuubo pa rin sina Andres at Ernesto habang nakaluhod sa basang damuhan, pinagmamasdan ang naglalagablab na guho ng mansiyon. Marahan namang hinahaplos ni Kristina ang kanyang tiyan habang nakayakap kay Aling Pacing, ligtas na sa wakas.
Tumayo si Ernesto, pinahid ang uling at luha sa kanyang mukha, at hinarap si Andres.
“Tapos na, Andres. Malaya na kayo,” mahina ngunit panatag niyang sabi habang nakatingin nang huling beses kay Kristina.
Sa malayo, maririnig na ang papalapit na sirena ng mga bumbero at pulis. Sa unang pagkakataon sa loob ng mahabang panahon, maluwag na nakahinga si Andres sa ilalim ng bagong umaga.
(Itutuloy)
- Latest















