Sibuyas, dapat P250/kilo lang
Bakit hindi sinusunod ng mga retailer ang suggested retail price (SRP) na itinakda ng Department of Trade and Industry (DTI) na P250 kada kilo ng sibuyas na pula?
Umaabot sa P500 hanggang P700 kada kilo ang halaga nito. Tayong mga Pilipino ay dismayado na dahil para tayong sinasakal sa taas ng presyo ng bilihin.
Wala tayong price control ngunit may poder ang DTI na magmungkahi ng karampatang presyo. Dahil ba “suggested” lang ay puwede itong balewalain? Mabuti nga at wala tayo sa dictatorial na pamamahala.
Ngunit kung ang mga gahamang negosyante ay hindi susunod sa mungkahi ng pamahalaan lalo na sa presyuhan ng paninda, dapat ay gamitin na ng pamahalaan ang kamay na bakal. Parusahan o pagmultahin nang malaki ang mga pasaway.
Nananawagan si DTI Sec. Alfred Pascual sa mga negosyante na sumunod sa SRP. Kung kailangang magtaas ng presyo para hindi malugi ay huwag namang napakataas! Dapat huwag lumayo sa SRP na P250 kada kilo. Sigurado naman na may nakatalagang price monitoring team ang DTI.
Gayunman, dapat seguruhin ang pagtalima ng mga traders sa SRP. Hindi masisisi ang mga magtitingi dahil kung mahal ang bili nila sa mga ititindang kalakal, hindi puwedeng magbenta ng palugi. Ang dapat usigin ay ang mga wholesalers at mga pinakamataas na suppliers na nagdidikta ng presyo ng kalakal.
Habang hindi nakatitikim ng sanction o parusa ang mga pasaway na traders, hindi sila maaawat sa pagsipsip sa dugo ng mga kaawa-awang Pilipino. Oo nga’t nasa demokrasya tayo. Pero hindi nangangahulugang magiging malamya ang gobyerno sa implementasyon ng mga reglamento para sa kapakanan ng taumbayan.
- Latest