Boracay
K KA LANG - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - February 14, 2018 - 12:00am

NOONG una kong nabalitaan ang kagandahan ng Boracay, hinangad kong makarating doon para makita ko mismo ang pinag-uusapan ng mga nakapunta na. Nang makapunta na ako, na­mangha ako sa kagandahan. Ang mala-asukal na buhangin, kristal na karagatan at katahimikan ng lugar. Hindi nakapagtataka na ang Boracay ay naging popular na destinasyon para sa mga turista.

Pero ayon kay President Duterte, ang Boracay ngayon ay isa nang “cesspool”. Siguro ang pinakamalapit na pagsasalin ng salitang “cesspool” ay poso negro. Ayon kay Duterte, amoy dumi ng tao na ang karagatan ng Boracay. Kapag lumangoy daw ang mga turista, manga­ngamoy dumi sila ng tao. Hindi raw magtatagal ay hindi na pupuntahan ng mga turista ang Boracay. Ito ay dahil may mga establisimento na deretsong itinatapon ang kanilang dumi sa karagatan. Ayon sa Department of Tourism, 25 establisimento lang sa 150 ininspeksyon ang wastong nagtatapon ng dumi. Sa dami ng mga turistang pumupunta ng Boracay, maiintindihan ang problemang dulot sa kalikasan.

Binigyan ni Duterte si DENR Sec. Cimatu ng anim na buwan para ayusin ang problema, o isasara niya ang Boracay. Hindi ko alam kung kayang gawin ng Presidente ito, pero habang malugod na tinanggap ng mga taga-Boracay ang utos na linisin ang isla, ayaw nilang masabihan na poso negro na ang kanilang karagatan. Matagal nang isyu dumi ng karagatan ng Boracay. Madalas sinusukat ang mga mikrobyong coliform sa karagatan, kung mataas na. Noong 2015, tumaas nang husto ang sukat nito, kaya naging mahigpit ang gobyerno sa kalinisan ng lugar. Ano na ba ang sukat ngayon? Tama ba si Duterte na sabihing poso negro na ang karagatan, o isa na namang “hyperbole”?

Ganun pa man, kailangan kumilos hindi lang ang DENR kundi pati na rin ang lokal na pamahalaan, partikular ang Boracay mismo. Kaila­ngang maging mahigpit hinggil sa pagtatapon ng kahit anuman sa karagatan. Maaaring eksaherasyon ang mga sinabi ni Duterte, pero kung hindi nga aayusin ang problema, baka hindi na kailangang isara niya ang isla. Baka mga turista na mismo ang hindi na pumunta. Mabilis kuma­lat ang balita sa social media ngayon. Ang pa­raiso ay baka maging impiyerno sa ilang pindot lang sa cell phone. 

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with