Malawakang inspeksyon sa custodial facilities, ipinag-utos ng PNP
MANILA, Philippines — Iniutos ni Philippine Natiponal Police (PNP) chief General Benjamin Acorda ang pagsasagawa ng malakawang inspeksyon sa mga custodial facility sa bansa.
Ito ay kasunod sa pagkakadakip ng mga tauhan ng PNP Integrity Monitoring and Enfocement Group (IMEG) sa 7 pulis sa Angeles City, Pampanga noong nakalipas na Biyernes na sangkot sa umano’y ilegal na pag-aresto at pangingikil.
Layon ng kautusan ni Acorda sa pagsasagawa ng inspeksyon sa mga custodial facility na matiyak na walang nalalabag na mga karapatan ng mga nakakulong.
Hindi umano kinukunsinte ng PNP ang mga maling gawain ng mga pulis, kabilang na rito ang pagkulong sa mga tao na walang basehan at pangingikil ng pera.
“I want to catch them flat-footed... I made instructions already to our (Internal Affairs Service), nag-usap kami ng ating IG and gagawin ang nararapat but as to the details as how we are going to do it, I want them thinking kung ano gagawin namin”, ayon pa sa PNP chief.
Magugunitang mismong sa kanilang police station sa Angeles City Police dinakip ng IMEG ang mga pulis.
Ito’y matapos ang sumbong na may mga inaaresto at ikinukulong sa naturang police station at hinihingan pa umano ng pera ng mga tauhan nito.
Nakitaan umano ng iregularidad ang 7 pulis dahil sa pagtatanim ng ebidensya at pangongotong pa.
- Latest