Ex-pulis pa na dawit sa pagdukot sa e-sabong agent, sumuko
MANILA, Philippines — Isa pang dating pulis na sangkot sa pagdukot sa e-sabong master agent ang sumuko sa mga awtoridad sa Laguna, kamakalawa ng gabi.
Si dating Police Corporal Roy Navarete,na may warrant of arrest sa kasongkidnapping at serious illegal detention, at robbery dahil sa pagkawala ni Ricardo Lasco sa Barangay San Lucas, San Pablo, Laguna noong Agosto 30, 2021 ay sumuko sa Calauan Municipal Police Station sa Laguna nitong Sabado ng gabi.
Una nang sumuko ang dalawa pang na-dismiss na pulis na sina Patrolman Rigel Brosas at Staff Sergeant Daryl Paghangaan sa Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) Team 4-A.
Batay sa record, si Lasco ay inaresto sa kanyang bahay ng mga pulis na nagpakilalang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kinuha rin sa biktima ang kanyang pera, alahas, cellphones at vault.
Ayon sa PNP Internal Affairs Service, napatunayang “guilty” ang tatlong pulis ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer kaya sila tinanggal sa serbisyo kamakailan.
Walang piyansang inirekomenda ang korte sa kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa tatlo habang P400,000 naman ang piyansa sa bawat kaso ng robbery with violence.
- Latest