‘Big-time’ mediamen target ng PDEA
MANILA, Philippines — Ibinunyag kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na bukod sa mga pulitiko at celebrities ay may mediamen din na kabilang sa kanilang high value target.
Sinabi ni PDEA Director-General Aaron Aquino, hindi basta-basta media workers at sa halip ay maituturing na malalaking pangalan sa larangan ng pamamahayag ang mga media personality na kasama sa HVT.
Wika pa ni Aquino, hindi lamang basta mga user ng droga ang nasabing mga media personalities kundi nagsisilbing protektor mismo ang mga kagawad ng media na kasama sa kanilang high value target.
Aniya, nabibilang sa tri-media na mula sa broadcast, print at online media ang sinasabing mga media personalities.
Tumanggi naman ang PDEA chief na tukuyin ang nasabing mga mediamen.
Una rito ay ibinulgar din ng PDEA chief sa isinagawang press briefing sa Palasyo na umaabot sa 12,000 ang kabilang sa kanilang HVT na rito ay may mga nasa local government, barangay habang mayroon ding kongresista sa naturang listahan.
- Latest