Deputy ombudsman na nag-iimbestiga kay Duterte, inireklamo
MANILA, Philippines – Inireklamo ng grupo ng mga abogado si Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang kasunod ng imbestigasyon ng kanilang opisina sa tunay na yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagsampa ng kasong graft and corruption at betrayal of public trust ang mga abogadong sina Manuelito Luna at Eligio Mallari laban kay Carandang.
Nais ng dalawang abogado na masibak sa pwesto si Carandang dahil na rin sa pagsabing nakakuha siya ng dokumento sa Anti-Money Laundering Council tungkol sa bank transactions ni Duterte. Pinabulaanan naman ito kalaunan ng AMLC.
Samantala, si Mallari ang kasama ni Dante Jimenez ng Volunteers Against Crime and Corruption na naghain naman ng impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
BASAHIN: Pres. Rody kay Carandang: ‘Pag nagkagulo ang Pilipinas uunahin kita!’
Nakasama naman ni Luna si dating Negros Oriental Rep. Jacinto "Jing" Paras na inireklamo naman si Commission on Elections Chairman Andy Bautista ng impeachment complaint din.
Inihain ang reklamo laban kay Carandang sa Office of the President na pinaniniwalaan nina Paras na may kapangyarihan ang opisina.
“The Ombudsman Law itself under Section 8 of the law specifically gives the authority to the Office of the President to undertake investigation of the Deputy Ombudsman and the special prosecutor of the Ombudsman,” paliwanag ni Paras.
“Kaya po doon po nanggagaling yung sinasabi ng ating pangulo na puwede niyang magtayo ng commission to investigate. After all, if it’s the Office of the President, then with the powers of the president, he can create a commission, he can create a body, he can create a team that will investigate,” dagdag niya.
BASAHIN: Ombudsman officials ipapaaresto ni Duterte
Si Carandang ang nangunguna sa pag-iimbestiga sa umano’y tagong yaman ni Duterte at ng kaniyang pamilya.
Nito lamang ay sinabihan siya ng pangulo na “magdasal ka lang” kasunod ng pahayag ni Carandang na bilyun-bilyon ang tagong yaman ng mga Duterte.
- Latest