Chiz nadagdagan ng kaalyado
MANILA, Philippines - Nadagdagan ng kaalyado at bagong tagasuporta si Senador Chiz Escudero na kumakandidatong bise presidente sa Mayo 9 sa katauhan ni Davao del Sur Gov. Claude Bautista.
Ayon kay Bautista na panlalawigang tagapangulo ng Nationalist People’s Coalition, siya at ang ibang alkalde sa kanyang lalawigan at maging mga alkalde sa Davao Occidental ay sumusuporta kay Escudero.
Tumatakbong walang kalaban si Bautista sa Davao Occidental na isang bagong likhang lalawigang binubuo ng limang pamahalaang lokal.
Nangako ring mangangampanya para sa ikakatagumpay ni Escudero si dating Digos City Mayor Arsenio Latasa na napili ng NPC na kumandidatong gobernador sa Davao del Sur at ang reelectionist na si Vice Gov. Aileen Almendras.
“Tapat kami sa partido ng NPC. Kaya walang kundisyon ang pagsuporta namin sa sino mang kandidato ng partido sa mga pambansang posisyon,” sabi pa ni Latasa.
Nananatiling nangunguna si Escudero sa mga bagong survey sa mga kandidatong bise presidente. Sa huling mobile survey ng Social Weather Station, si Escudero ang pangunahing napipisil ng mga respondent habang 30 porsiyento ang nagsabing si Escudero ang iboboto nila kung ngayon gagawin ang eleksyon.
Nag-endorso rin sa Poe-Escudero ang Makabayan coalition na binubuo ng mga party-list groups na Sulong Katribu, Migrante, ACT Teachers, Gabriela, Bayan Muna, Anakpawis, Kabataan, at Piston.
May 23 sa 30 party-list organizations na ikinatawan sa majority bloc sa Kamara ang nagpahayag ng suporta kina Poe at Escudero.
- Latest
















