Kahit computer, tumatanda rin!
TULAD ng ibang mga tao o ibang bagay sa mundo, tumatanda at naluluma rin ang mga computer, desktop man o laptop. Unti-unting nagkakasakit habang nagkakaedad. Matino pa itong gamitin sa mga unang taon pero, pagkaraan marahil ng tatlo o limang taon, hindi na siya tumatakbo nang maayos. Bumabagal. Nagha-“hang”. Nagloloko.
Hindi na ito tulad ng dati nang unang mabili na masigla, mabilis, buhay na buhay. Dumarating ang panahon na merong piyesa o program/software na dapat nang palitan para patuloy na magamit. Nangyayari ito kahit anong ingat ang gawin. Mabibigla ka na lang isang araw na sobrang bagal o hindi na ito mabuksan.
Marami kasing naluluma sa computer sa pagdaan ng panahon, sa mga piyesa man o sa mga programang nakapaloob dito na kailangang makipagsabayan sa mga pagbabago sa ganitong teknolohiya lalo pa at karaniwan itong kunektado sa internet na kailangang angkupan ng computer na ginagamitan nito.
Mainam kung meron kang pambili ng bagong computer pero paano kung wala? Mapanganib namang bumili ng mumurahing segunda manong computer na agad nasisira. Pagtitiyagaan mo muna ang naluluma nang computer na nagagamit pa naman. Gawin ang mga kailangang baguhin o palitan para patuloy itong mapakinabangan.
Nagbigay si David Nield ng Popular Science ng ilang puntos kung paanong patuloy na magagamit at mapahaba ang buhay hangga’t maaari ang naluluma nang computer. Isa aniyang paraan ang pagbabawas sa laman ng computer. Tinutukoy niya iyong mga program o apps na dapat tanggalin kung hindi na aktibong ginagamit.
Kung kakaunti ang mga program, lumuluwag ang memory at ibang system resource. Nadadagdagan ang espasyong mahihingahan ng iyong computer at ng operating system nito, maoorganisa nang mas maayos at mapagaganda ang takbo. Mainam ding tanggalin o ilipat sa ibang lugar (maaaring storage device, flash drive, o ibang computer o laptop) ang mga files na hindi nagagamit.
Nakatutulong din ang ilang upgrade para madagdagan ang buhay ng computer. Mainam na halimbawa ang pagpalit o pagdagdag ng RAM na isang short-term memory ng computer o laptop. Dito nakaimbak ang data na kailangan ng computer processor para mapatakbo ang mga program at mabuksan ang mga files dito. Bibilis ang computer sa dagdag na RAM.
Nakakaluwag din sa napapakinabangan pang hard disk drive (HDD) o solid state drive kung magpapakabit sa computer ng isa pang HDD na maaaring lipatan at paglagyan ng mga luma o bagong files, documents o program. Gayunman, merong mga hard disk na, kapag nasira at kailangang palitan, napapakinabangan pa rin ito bilang storage device o imbakan ng files kaya hindi ito ganap na masasayang.
Subukan ding buksan ang casing (metal na kahon na kinalalagyan ng computer). Baka masyado nang marumi o maalikabok ang loob na kailangan nang linisin.
Pag-isipan kung paano magagamit sa ibang paraan ang lumang computer lalo na kung hindi naman ito kailangang nakakunekta sa internet. Maaaring gamitin ito sa pagsusulat ng anumang bagay tulad ng kuwento, sanaysay, tula, nobela, transcript, love letter, diary, assignment sa eskuwelahan, report, resume, thesis, bio data, affidavit, testamento, at iba pa.
Mapagtataguan din ito ng mga digital copies ng anumang mga document (ID, passport, birth certificate, land title, marriage contract, school record, diploma, certificate, at iba pa). Kung kaya pa ng lumang computer na ito, maaaring itago dito ang kopya ng anumang mga lumang litrato, pelikula at musika na gusto mong balikang tingnan, panoorin o pakinggan sa hinaharap.
Email: [email protected]
- Latest