EDITORYAL - Pagrepaso sa 2027 national budget
PATULOY ang pagsusuri ng Senado sa panukalang P7.2 trilyong national budget para sa 2027. Nakitaan na may mga pagbabago sa version ng House of Representatives. Ito ang dapat linawin bago pa ito maging batas. Hindi ito dapat makalampas sa pagsusuri. Nararapat ang pagrepaso.
Ayon kay Senate finance committee chair JV Ejercito, tinatayang P206 bilyon ang na-realign mula sa orihinal na spending plan ng executive.
Kabilang dito ang P130 bilyong bawas sa foreign-assisted infrastructure projects, pati mga bawas sa Calamity Fund, hospital improvement, immunization at health-promotion programs.
Samantala, nadagdagan naman ng P23.9 bilyon ang pondo para sa MAIFIP o medical assistance program.
Hindi naman awtomatikong masama ang budget realignment. May mga pagkakataong kailangang ilipat ang pondo dahil nagbabago ang pangangailangan ng gobyerno.
Pero kapag bilyun-bilyong piso ang inililipat, dapat malinaw kung bakit may programang dinagdagan at kung bakit may programang binawasan.
Sa edukasyon, halimbawa, bumaba ang proposed DepEd budget mula P1.01 trilyon noong 2026 tungong P973.40 bilyon para sa 2027.
Ayon sa E-Net Philippines, kabilang sa mga nabawasan ang Special Needs Education, Indigenous Peoples Education, Alternative Learning System at School-Based Feeding Program.
Sa DPWH naman, 7,107 proyekto na nagkakahalaga ng P251.81 bilyon ang na-flag ni Sen. Win Gatchalian dahil sa mga isyung gaya ng missing coordinates, posibleng duplicate at overlapping projects, at kulang na project details.
Sinabi naman ng DPWH na rerepasuhin ang mga ito.
Iyan mismo ang dahilan kung bakit mahalaga ang masusing budget scrutiny ngayon pa lang.
Hindi dapat hintaying may maunsiyaming proyekto, kulang na serbisyo o panibagong corruption scandal bago itanong kung saan napunta ang pera.
Mas madaling pigilan ang kuwestiyonableng pondo habang nasa budget pa lang kaysa habulin ito kapag nagastos na.
Kinakailangan ang maingat na pagsusuri sa budget upang hindi magkaroon ng mga aberya na kadalasang nangyayari kapag naipasa na ito. Kung kailan napagdebatehan na at umubos na nang maraming oras ay saka lamang makikita ang mga “butas”. Repasuhin sanang mabuti at huwag palampasin ang mga nakikitang “pagbabago”.
- Latest















