Thumbmark sa halip na pirma sa Last Will, may bisa ba?
Dear Attorney,
Gusto ko lang sana malaman kung may bisa ba ang isang Last Will and Testament kung hindi naman po nakapirma sa nasabing dokumento ang namayapa. May alitan po kasi ang aking ina at ang kanyang mga kapatid at isa po sa pinag-aawayan nila ay ang diumano’y last will na ginawa ng aking lolo. Ngayon lang kasi nakita ng aking ina ang nasabing last will at wala siyang kaalam-alam tungkol dito. Isa pa ay wala rin kasing pirma ito at sa halip ay thumbmark lang diumano ng aking lolo ang makikita sa dokumento. May bisa po ba ang isang last will kahit thumbmark lang ng sinasabing gumawa nito ang nakalagay?
—Riza
Dear Riza,
Ayon sa mga kasong dinesisyunan na ng Korte Suprema, valid ang isang last will kahit pa thumbmark lang ng testator o ng gumawa ng last will ang taglay nito. Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, ang salitang “signed” ay hindi lamang tumutukoy sa pirma o signature ng gumawa ng last will. Maari ring tumukoy ito sa ibang “sign” o marka na ginawa ng testator katulad ng kanyang thumbmark (De Gala v. Gonzales, 53 Phil. 104).
Kaya sa pamamagitan ng paglalagay lamang ng kanyang thumbmark sa intensyong ang thumbmark na iyon ang magsisilbi niyang pirma ay nasunod na ang requirement ng batas na kailangang “signed” ng testator ang kanyang last will (Dolor v. Diancin, 53 Phil. 479, Payad v. Tolentino, 62 Phil. 848, Abaya v. Zalamero, 10 Phil. 357, Leano v. Leano, 30 Phil. 612).
Nais ko lang ipabatid na sa kabila ng mga desisyong nabanggit, hindi naman basta-basta magkakabisa ang isang last will hangga’t hindi ito sumasailalim sa isang probate proceeding sa korte. Doon ay maari n’yong kuwestiyunin ang thumbmark kung totoong sa lolo mo nga talaga iyon.
- Latest