^

Punto Mo

EDITORYAL — Wala pa ring COC sa South China Sea

Pang-masa

NATAPOS na ang ASEAN Summit sa Maynila at ipinasa na ang chairmanship sa Singapore subalit nananatiling walang Code of Conduct (COC) sa South China Sea. Ito ay sa kabila na mahigit dala­wang dekadang negosasyon sa pagitan ng ASEAN at China.

Ayon kay Foreign Secretary Theresa Lazaro, nasa 80 porsiyento na ang provisional agreement sa draft, ngunit may mahahalagang isyu pang hindi na­pag­kakasunduan, kabilang kung magiging legally binding ba ang kasunduan.

Ang pagpapatuloy ng negosasyon ay mapupunta na sa Singapore sa susunod na taon.

Magandang pakinggan na nasa 80 porsiyento na ito. Pero sa usaping ito, ang mas mahalaga ay kung ano ang laman ng natitirang 20 porsiyento.

Walang saysay ang isang Code of Conduct kung maganda lamang itong basahin ngunit walang ma­linaw na obligasyon kapag may lumabag.

Hindi rin sapat ang pangakong “peace and sta­bility” kung hindi malinaw kung paano haharapin ang water cannon incidents, dangerous maneuvers at iba pang insidente sa dagat.

Matagal nang iginigiit ng Pilipinas na ang anu­mang COC ay dapat nakabatay sa international law at UNCLOS.

Noong 2016, nagpasya ang arbitral tribunal na walang legal na batayan ang malawak na maritime claims ng China, isang desisyong patuloy na hindi kinikilala ng Beijing.

Kitang-kita rin kung gaano kalalim ang hindi pagkakaunawaan. Sa Manila Dialogue, muling nag­banggaan ang pananaw ng mga Pilipino at Chinese participants tungkol sa Ayungin Shoal.

Ang 2016 ruling ay nagtakda sa Ayungin bilang low-tide elevation na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Hindi masama na magpatuloy ang negosasyon. Mas mabuti ang pag-uusap kaysa komprontasyon.

Pero hindi dapat maging dahilan ang kagustuhang matapos ang COC para tanggapin ang isang kasun­duang mahina o walang malinaw na epekto.

Mismong ang China ay nagpahayag din ng pag-asang maagang matatapos ang Code of Conduct. Pero ang mabilis na kasunduan ay hindi awtomatikong magandang kasunduan.

Pagkatapos ng mahigit dalawang dekada, hindi na sapat na sabihing 80 porsiyento na ang tapos. Ang tunay na sukatan ay kung ang natitirang 20 por­siyento ay makagagawa ng COC na malinaw, epektibo at may saysay kapag may aktuwal nang paglabag sa dagat.

SOUTH CHINA SEA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with