Isang bata sa Italy, nagpasimula ng 48-hours na snake hunt dahil sa ginawang ai-generated na Python!
ISANG siyam na taong gulang na bata sa Italy ang nagpasimula ng halos 48-hours na search sa isang nakawalang python matapos gumawa ng AI-generated image ng ahas na lumalabas mula sa toilet.
Nangyari ang insidente noong Nobyembre 12 sa Castelfidardo sa Italy. Ipinakita umano ng bata sa mga nakatatanda ang isang larawan ng tila royal python na gumagapang mula sa toilet bowl. Sa paniniwalang totoong ahas ang nasa larawan, tumawag ang mga nakatatanda sa emergency services bandang 8:00 p.m.
Dumating ang firefighters mula sa kalapit na bayan ng Osimo at hinalughog ang bathroom at iba pang bahagi ng bahay. Gayunman, wala silang nakitang kahit anong bakas ng ahas. Una nilang inakalang maaaring nakatakas ang python sa isang bukas na bintana o nagtago lamang sa loob ng bahay.
Nagpatuloy ang paghahanap kinabukasan at sumali pa ang specialist officers mula sa Carabinieri Forestali’s CITES unit, na humahawak sa mga kaso ng protected at exotic animals. Kalaunan, sinuri ng mga opisyal ang original photograph na nasa cell phone ng bata. Doon nila natuklasang hindi totoong python ang nasa larawan.
Inamin ng siyam na taong gulang na gumamit siya ng AI app upang idagdag ang ahas sa litrato ng toilet. Bumisita lamang umano siya noon sa bahay ng isang kaibigan nang gumawa siya ng larawan sa palikuran at pagkatapos ay sinabi sa mga nakatatanda na nakakita siya ng ahas. Nang mapagtanto kung gaano kalaking abala ang idinulot ng prank, humingi umano ng paumanhin ang bata sa mga opisyal.
Wala naman siyang haharaping criminal charges dahil sa ilalim ng Italian law, ang mga batang wala pang 14- anyos ay hindi maaaring panagutin sa criminal liability.
- Latest















