Manong Wen (221)
ILANG tawag pa ang ginawa ni Jo sa matanda subalit walang sagot sa kubo.
“Baka nasa ilog si Tatang Nado at nanghuhuli ng isda,” sabi ni Jo.
“Doon ba siya kumukuha ng iniuulam?’’
“Oo. Sagana ang ilog sa isda at hipon. Iyon ang ipinakain niya sa akin noong inalagaan ako.’’
Nanatili sa labas ng bahay ang dalawa. Maya-maya nakarinig sila ng mga yabag na papalapit.
Hanggang matanaw nila ang pagdating ni Tatang Nado. May dala ito mga isda.
“Ayun siya! Sabi ko na nga ba at galing sa ilog. Ang daming nahuling isda.’’
“Siya pala si Tatang Nado. Matanda na pero tipong malakas pa ang pangangatawan.’’
“Laging sariwa ang kinakain niya rito. Gulay at prutas, pawang sariwa. Paminsan-minsan lang daw siya kumakain ng karne. Kung minsan, karneng baboy damo ang iniuulam niya. Sariwang-sariwa raw.’’
“Kaya pala matipuno ang pangangatawan kahit past 60 na.’’
Sinalubong ni Jo si Tatang Nado at niyakap.
“Tatang Nado, tinupad ko ang pangako ko. Narito na ako. Kasama ko si Princess, nobya ko.’’
Nilapitan nila si Princess.
“Kumusta ka Princess?’’ bati ni Tatang Nado.
“Mabuti po Tatang.’’
“Halikayo sa kubo.’’
Tinungo nila ang kubo.
Ibinaba ni Tatang Nado ang mga isda sa lababo at kinuha ang mga hinog na lansones, saging at bayabas.
“Kumain muna kayo habang niluluto ko ang isda. Isisigang ko sa dahon ng alugihib. Masarap ang sabaw nito. Kumakain ka ba ng sinigang na banak at tughod, Princess?’’
“Opo, Tatang Nado.’’
“Sige, kain lang kayo diyan ng mga prutas. Madali lang magluto nito. Magsasaing na rin ako para makakain tayo. Masarap ang bigas ko, bagong ani sa kaingin.’’
Makalipas ang isang oras, luto na ang pagkain. Nagsandok si Tatang Nado. Umuusok ang kanin. Mabango. Humalimuyak ang sinigang na isda. Sariwang-sariwa.
Kumain sila.
Habang kumakain, sinabi ni Jo sa matanda na natagpuan na niya ang asawa at anak nito.
Napatingin si Tatang Nado kay Jo.
(Itutuloy)
- Latest