^

Sipon lang o trangkaso?

DOCTOR’S TOUCH - Dr. Luis Gatmaitan M.D (Pang-masa) - August 16, 2014 - 12:00am

NA-TRANGKASO. Ganyan ang sinasabi natin kapag ang isang tao ay nagsimula nang igupo ng masamang karamdaman dala ng influenza virus. Ang salitang “flu” ay galing sa influenza. Iba ang virus na nagdudulot ng trangkaso kaysa sa virus na may dala ng ordinaryong sipon (rhinovirus ang karaniwang mikrobyong may dala ng common colds).

Ano ang pagkakaiba ng sipon (common colds) sa trangkaso (flu)?

Kapag ang pasimula ng kondisyong nararanasan ay paghahatsing at pangangati ng lalamunan, posibleng sipon ang dahilan. Pero kung ang naunang naramdaman ay paglalagnat, pananakit ng ulo, at pakiramdam na parang laspag ang katawan, mas malamang na flu o trangkaso ito. Kaya sa unang mga sintoma pa lang ay may ideya na tayo kung sipon o trangkaso ang nararamdaman natin.

Bukod dito, dapat din nating isaalang-alang ang tindi ng sintomang dala ng mga virus na ito. Sa ordinaryong sipon, kahit masama ang ating pakiramdam, may energy pa rin tayo para magreklamo. Pero sa kaso ng trangkaso, masyado nang masama ang ating pakiramdam para mag-complain. Plakda agad. Hinang-hina ang ating pakiramdam dahil sa lagnat, pananakit ng katawan, at matinding ubo.

Ang nasabing flu virus ang dahilan kung bakit ang katawan natin ay naglalabas ng tinatawag na inflammatory compounds gaya ng prostaglandin at interleukin, na nagdudulot ng lagnat, pananakit ng buong katawan, at nanghihinang pakiramdam. Kaya naman dapat din nating bigyan ng anti-inflammatory drugs ang pasyenteng natrangkaso gaya ng paracetamol, ibuprofen, at aspirin. Nababawasan ang lagnat at pananakit ng mga kasu-kasuan at kalamnan dahil dito.

May papel ba ang antibiotiko sa pagsugpo ng flu?

Hindi karaniwang ginagamit ang anumang antibiotiko para sa impeksyong dala ng virus. Ang antibiotiko ay mabisa lamang laban sa bacteria. Ang flu ay dala ng virus, hindi ng bacteria. Pero kung nauwi sa pagkakaroon ng bronchitis (matinding ubo at lagnat) ang kaso ng flu, puwedeng uminom ng antibiotiko.

Hindi dapat balewalain ang pagkakaroon ng trangkaso. Kapag ito’y napabayaan, posibleng mauwi sa pulmonya. Ito na ang pinakamatinding komplikasyon ng trangkaso. Kailan tayo magsususpetsa na nauwi na ito sa pulmonya? Kapag nagkaroon na ng mataas na lagnat at matinding pangangapos ng hininga na puwedeng lumabas sa loob ng 3-4 araw matapos na magka-trangkaso.

Maaaring virus ang pinagsimulan ng pulmonya pero kapag sinira na ng virus ang surface ng daluyan ng mga hangin, wala na itong kakayahang tanggalin ang mucus na naroon. Doon na puwedeng umatake ang mga bacteria na lalong magpapatindi ng pulmonya. Mula sa viral pneumonia, mauuwi ito sa bacterial pneumonia. Puwede itong makamatay kapag napabayaan.

ANO BUKOD DALA FLU GANYAN KAPAG KAYA PERO TRANGKASO VIRUS
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with