16-anyos na bagong recruit ng NPA, napatay sa engkuwentro
MANILA, Philippines — Isang Grade 6 pupil na bagong recruit ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasawi matapos magkabakbakan ang militar at ang mga rebelde sa Butuan City, Agusan del Norte, noong Sabado, ayon sa opisyal.
Kinilala ni AFP-Eastern Mindanao (AFP-Eastmincom) Spokesman Lt. Col. Ezra Balagtey ang napatay na miyembro ng NPA na si Litboy Binongcasan, 16-anyos, ng Brgy. Malinao, Gingoog City.
Ayon kay Balagtey nitong Disyembre 2 ay positibong kinilala ang bangkay ni Litboy ng kanyang kapatid na noon pa umanong Pebrero 2019 ito nawawala. Si Litboy ay Grade 6 pupil sa Sitio Sioan Elementary School in Brgy. Malinao, Gingoog City.
Noong Nobyembre 30 ng taong ito ay nakasagupa ng Army’s 23rd Infantry Battalion ang grupo ng mga rebelde sa Sitio Salvacion, Brgy. Manila de Bugabos, Butuan City kung saan napatay ang biktima na ginawang frontliner sa bakbakan ng mga kasamahan nitong NPA.
Narekober sa bakbakan ang dalawang AK 47 rifles, isang M16A1 rifle, isang M16 RMCrifle, limang backpacks, dalawang bandoleers, mga personal na kagamitan at mga subersibong dokumento.
- Latest