Parak utas sa ambush
MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang pulis habang sugatan naman ang kasamahan nito makaraang tambangan ng mga armadong rebeldeng New People’s Army (NPA) sa isang liblib na lugar sa Brgy. Buyo, San Fernando, Masbate kamakalawa.
Kinilala ang nasawing biktima na si PO1 Matthew Baybayon, miyembro ng 5th Regional Public Safety Battalion, Bravo Company ng 3rd Maneuver Platoon na nakabase sa Brgy. Canares, Batuan, Masbate.
Ang sugatang kasama naman nito ay kinilalang si PO1 Edgarde Demingoy, kasapi rin ng nasabing himpilan ng pulisya. Sa report ng Police Regional Office (PRO) V, naganap ang ambush sa nasabing lugar dakong alas-9:00 ng umaga.
Ayon kay Chief Inspector Maria Luisa Calubaquib, Spokesperson ng PRO V, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa nangyaring pamamaril sa Brgy. Buyo, San Fernando kaya mabilis na nagresponde ang mga elemento ng nasabing himpilan.
Gayunman, matapos na magsagawa ng imbestigasyon sa lugar ay tinambangan ang mga elemento ng pulisya habang pabalik na sa kanilang patrol base ng mga rebeldeng NPA na nakaposisyon sa tabi ng highway na nagkukubli sa masukal na bahagi sa nasabing lugar.
Nagsasagawa na ng hot pursuit operations ang mga awtoridad laban sa mga rebeldeng NPA na nasa likod ng pananambang sa mga biktima.
- Latest