Dasmariñas pumalit sa binakanteng titulo ni Nietes
MANILA, Philippines — Binakante man ni Donnie ‘Ahas’ Nietes ang kanyang suot na world flyweight crown ay may pumalit naman sa kanya bilang ikalawang Filipino world boxing champion.
Pinabagsak ni Michael Dasmariñas si Karim Guerfi ng France sa fourth round para kunin ang bakanteng International Boxing Organization bantamweight belt sa harap ng 4,000 fans sa Singapore Indoor Stadium noong Biyernes sa Singapore.
Si Dasmariñas (28-2-0, 19 KOs) ang pangalawang world boxing titlist ng Pilipinas matapos si IBF superweight king Jerwin Ancajas (29-1-1, 20 KOs).
Kamakailan ay binitawan ng 35-anyos na si Nietes (41-1-4, 23 KOs) ang kanyang IBF flyweight belt para lumaban sa bakanteng WBO super flyweight title.
Kumonekta si Dasmariñas (28-2-0, 19 KOs) ng isang matulis na left hook sa panga ni Guerfi (26-4-0, 8 KOs) na nagpatumba sa French fighter sa canvass.
Nagpumilit pang tumayo si Guerfi bago tuluyang gumulong na sumelyo sa KO victory ng 25-anyos na si Dasmariñas.
Mas naging maingat ang tubong Pili, Camarines Sur sa laban hanggang makasi-lip ng tsansang mapabagsak ang 31-anyos na si Guerfi sa fourth round.
Tinalo naman ng 25-anyos na si Ancajas, tubong Panabo City, Davao del Norte, si Israel Gonzalez ng Mexico via 10th-round TKO noong Pebrero 3.
Nakatakdang harapin ni Ancajas si Cebuano challanger Jonas Sultan (14-3-0, 9 KOs) para sa kanyang pang-limang sunod na pagdedepensa sa bitbit na IBF super flyweght belt sa Mayo 26.
- Latest