NCR ‘very low risk’ na sa COVID-19
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng OCTA Research Group na nasa “very low risk status” na umano ang National Capital Region (NCR) pagdating sa sitwasyon sa COVID-19 makaraang umabot na lamang sa 138 ang arawang average ng mga bagong kaso.
Sa datos ng OCTA, nasa 138 ang arawang average ng COVID-19 cases mula Nobyembre 26 hanggang Disyembre 2 na higit na mababa sa 416 daily average sa parehong petsa noong 2020.
“Based on our metrics, the NCR is now classified as VERY LOW RISK. The figure compares the numbers this week vs the same week last year,” ayon kay OCTA fellow Dr. Guido David.
Bumaba rin ang reproduction number sa 0.36 ngayong taon kumpara sa 0.94 noong nakaraang taon.
Ang daily attack rate per 100,000 population naman ay naitala sa 0.97 na higit na mababa sa 2.94 noong 2020 habang ang positive rate ay nasa 1.2% kumpara sa 3.9% noong 2020.
Mas malaki na rin ang ibinaba ng hospital occupancy ngunit mas mataas ngayong taon ang ICU beds occupancy na nasa 341 kumpara sa 323 noong 2020.
Mas mataas din ang bilang ng average COVID-19 tests ngayon na nasa 18,875 kada araw kumpara sa 18,189 noong nakaraang taon. - Angie dela Cruz
- Latest