Minority senators, bantang magboykot sa VP Sara impeachment trial
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Senador Robin Padilla, na maaaring hindi na dumalo ang mga miyembro ng minority bloc sa paglilitis sa impeachment ni Vice President Sara Duterte kung magkakaroon ng tinatawag niyang pagwawalang-bahala sa batas.
Agad nilinaw ni Padilla na bagaman at hindi pa napag-uusapan ng mga minority bloc ang posibilidad na lumiban sa impeachment trial, ay maaaring pag-usapan ito sa lalong madaling panahon.
Tinutulan din niya ang desisyon ng Senate impeachment court na ang two-thirds voting threshold ay ibabase sa bilang ng mga senador na legal at aktuwal na makakadalo sa araw ng botohan.
Kaugnay nito naghain sina Padilla at Senador Christopher “Bong” Go ng petisyon na humihiling sa Supreme Court na ideklarang walang bisa ang desisyon ng Senate impeachment court kaugnay ng voting threshold.
Noong Huwebes, lumipat si Senador Mark Villar mula minority patungo sa majority bloc matapos siyang ihalal ng Senado bilang miyembro ng Commission on Appointments at chairman ng Senate Committee on Public Works.
Dahil sa paglipat ni Villar, binubuo na ngayon ng 14 na miyembro ang majority bloc habang 10 miyembro naman ang nasa minority bloc at apat sa mga ito ang kasalukuyang hindi dumadalo sa mga sesyon.
Nakakulong sina Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta kaugnay ng magkahiwalay na kasong plunder. Nagtatago naman si Senador Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court, habang ilang linggo nang hindi dumadalo sa mga sesyon si Senador Loren Legarda dahil sa mga alalahanin sa kalusugan at kasalukuyang nasa ibang bansa.
Umaasa si Padilla na wala nang iba pang senador mula sa minority bloc ang lilipat kasunod ng paglipat ni Villar.
- Latest





















